45 SILYANG GAWA SA RECYCLED PLASTIC, IPINAGKALOOB SA BAGUIO CENTRAL SCHOOL
BAGUIO CITY | Pormal nang ipinagkaloob sa Baguio Central School ang 45 silyang gawa sa recycled single-use plastics sa ilalim ng programang "Basura-to-Silya," matapos mapirmahan ang Deed of Donation and Acceptance noong Hunyo 29 2026 ng Sentinel Upcycling Technologies, paaralan, at Pamahalaang Lungsod ng Baguio.
Ayon kay Sentinel Upcycling Technologies Chief Executive Officer Jonathan Co, layunin ng proyekto na mabigyan ng bagong gamit ang mga single-use plastics at makumbinsi ang publiko na makisali sa tamang waste segregation at recycling. Aniya, ang bawat silya ay binubuo ng 20 percent flexible plastics at 80 percent rigid plastics, tulad ng bottle caps at iba pang matitigas na plastik.
Nagpasalamat naman si Baguio Central School Principal Jackson Caya-os sa natanggap na donasyon. Giit, malaking tulong ang mga silya sa mga mag-aaral at magsisilbi ring paalala sa kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran. Hinikayat din niya ang mga magulang na turuan ang kanilang mga anak ng tamang paghihiwalay ng basura.
Samantala, sinabi naman ni Engr. Norman Parado ng City General Services Office na mahalaga ang pakikisali ng komunidad sa pag-iipon ng single-use plastics upang maging kapakipakinabang na produkto tulad ng mga mesa at silya para sa mga paaralan.
Patuloy namang isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio ang programang "Basura-to-Silya" bilang bahagi ng mga hakbang upang mabawasan ang basura at mapalakas ang solid waste management sa lungsod. Via Jody Lardizabal and Marielle Martin, TAU DEVCOM Interns.
No Comments Yet...