DANGEROUS DRUGS BOARD, NAGKALOOB NG ₱5 MILYONG TULONG PINANSYAL SA LUNGSOD NG BAGUIO PARA SA PAGPAPAGANDA NG MULTIPURPOSE FACILITY
BAGUIO CITY – Nagkaloob ang Dangerous Drugs Board (DDB) ng ₱5 milyong tulong pinansyal sa Pamahalaang Lungsod ng Baguio para sa pagpapaganda at rehabilitasyon ng multipurpose facility ng lungsod. Ang proyekto ay bahagi ng pagpapatupad ng Republic Act No. 9165, partikular ng Section 75, na naglalayong palakasin ang mga pasilidad para sa drug demand reduction, treatment, rehabilitation, recovery, at iba pang programang laban sa ilegal na droga.
Sa turnover ceremony, binigyang-diin ng DDB ang mahalagang papel ng mga Local Government Unit (LGU) at kanilang mga Anti-Drug Abuse Council sa pagpapatupad ng mga programa sa preventive education, information and advocacy, rehabilitation, aftercare, reintegration, at community development.
Ayon sa DDB, ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga lokal na pamahalaan at ang aktibong pakikipagtulungan ng iba't ibang sektor ay mahalaga sa pagbuo ng pangmatagalang solusyon laban sa ilegal na droga. Inaasahang magsisilbing sentro ng mga programang ito ang pinahusay na multipurpose facility.
Kinilala rin ng DDB ang pamumuno ni Mayor Benjamin Magalong, gayundin ang patuloy na dedikasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Baguio at ng City Anti-Drug Abuse Council (CADAC) sa pagsusulong ng pampublikong kalusugan at kaligtasan. Ayon sa DDB, ang ₱5 milyong tulong pinansyal ay isang pamumuhunan sa mga tao, pakikipagtulungan, at pagpapalakas ng mga lokal na institusyon upang makabuo ng mas ligtas, mas malusog, at drug-free na komunidad. via Christine Agbuya; TAU-DevCom Intern.
No Comments Yet...