PAARALAN SA BONTOC, ITINANGGI ANG DEMONIC POSESSION NA INSIDENTE SA KANILANG ESTUDYANTE
BAGUIO CITY - Ayon sa mga nakakita, isang grupo ng mga high school students sa Saint Vincent School Inc. ang bigla umanong nagpakita ng kakaibang kilos habang nasa loob ng paaralan. Sa mga kumalat na video online, makikitang umiiyak, sumisigaw, at tila labis na nababalisa ang ilang estudyante, na agad namang naging viral sa social media.
Dahil sa mga pangyayaring ito, maraming netizens ang nag-akala at nagpalaganap ng haka-hakang ito raw ay isang demonic possession o sinapian ng demonyo.
Gayunpaman mas binigyang-diin ngayon ng paaralan ang kahalagahan ng mental health ng kabataan matapos ang insidenteng kinasangkutan ng ilang estudyante sa Saint Vincent School Inc. (SVSI).
Ayon sa pahayag ng paaralan, hindi totoo ang kumalat na balita na may “demonic possession” sa nangyari. Sa halip, sinabi nilang ito ay maaaring dulot ng matinding stress at takot na mabilis kumalat sa grupo, na kilala bilang mass psychogenic illness
Ipinaliwanag ng paaralan na matapos ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng simbahan at mga health worker mula sa Municipal Health Office, wala silang nakitang ebidensya ng anumang kakaiba sa pangyayari.
Sa halip na matakot, hinihikayat ng paaralan ang komunidad na unawain ang sitwasyon na bahagi ito na patungkol sa kalusugang pangkaisipan. Ayon pa sa paralan, ang ganitong pangyayari ay maaaring maranasan ng mga kabataan lalo na kung may pressure sa paaralan o personal na problema.
Dagdag pa ng Saint Vincent School Inc. (SVSI), agaran namang binigyan ng tulong ang mga estudyante tulad ng medical attention at guidance counseling. Sabi pa nila, patuloy silang babantayan upang matiyak ang kanilang kalagayan.
Samantala, nananawagan din ang paaralan sa publiko na huwag basta magpakalat ng mga hindi kumpirmadong impormasyon lalo na sa social media, dahil maaari itong magdulot ng mas malaking takot at maling paniniwala sa mga makakakita at makakabasa.
Sa halip, hinihikayat nila ang lahat na magtulungan sa pamamagitan ng pag unawa, paggalang, at suporta sa mga apektadong estudyante at kanilang pamilya. via Ahron Maverick Hortaleza, TAU-DevCom Intern
No Comments Yet...