BAGUIO CITY | Patuloy na pinalalakas ng Baguio City Government ang pagpapatupad ng mga programa sa solid waste management upang mapabuti ang pangongolekta ng basura at mahikayat ang mga residente na magsagawa ng tamang waste segregation.
Ayon kay Ma. Guadalupe Della ng City General Services Office (GSO), kinilala kamakailan ang Baguio City ng Department of Environment and Natural Resources–Environmental Management Bureau (DENR-EMB) bilang isa sa mga pinakamahusay na lokal na pamahalaan sa composting, Materials Recovery Facility (MRF), at Residual Containment Facility sa ginanap na Cordillera Environmental Summit.
Aniya, patuloy ang pagsisikap ng lungsod na mapabuti ang waste management, bagama't nananatili pa ring hamon ang hindi pagsunod ng ilang barangay sa itinakdang iskedyul ng pangongolekta ng basura.
Sa kasalukuyan, may 26 hanggang 27 dump trucks ang umiikot araw-araw upang mangolekta ng basura sa buong lungsod. Isinasagawa ang koleksyon isang beses kada linggo sa mga barangay at dalawang beses kada araw sa Central Business District. Hinikayat din ni Della ang mga residente na ilabas ang kanilang basura sa tamang oras upang maiwasan ang hindi pagkakolekta nito.
Patuloy ding isinusulong ng lungsod ang Eco-Economy Action Team at ang BIDA Barangay Program ng UNDP, kung saan anim na barangay ang nabigyan ng mga kagamitan upang mapahusay ang pamamahala ng recyclable at biodegradable waste at makalikha ng dagdag na kita mula sa mga recyclable materials.
Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng tatlong Black Soldier Fly (BSF) facilities na nagpoproseso ng food waste mula sa mga restaurant at ginagawang compost. Nagsasagawa rin ang lungsod ng buwanang barangay learning sessions upang higit pang mapalakas ang tamang waste segregation at mabawasan ang basura.
Hinikayat naman ng GSO ang publiko na makiisa sa tamang paghihiwalay ng biodegradable, non-biodegradable, residual, at recyclable waste upang mapanatiling malinis ang Baguio City. Via Jody Lardizabal and Marielle Martin, TAU DEVCOM Interns.
No Comments Yet...