ORDINANSANG NAGBABAWAL SA ONLINE GAMING SA BAGUIO CITY, ISINUSULONG
BAGUIO CITY | Isinusulong ng mga opisyal ng Baguio City ang mas mahigpit na hakbang laban sa online gambling matapos aprubahan sa ikalawang pagbasa ng City Council ang panukalang ordinansa na naglalayong ipagbawal ang online gambling operations sa lungsod. Kabilang sa maaapektuhan ang online casinos, e-games, online sabong, e-bingo outlets, online poker, at Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Sa ilalim ng panukala, hindi na papayagan ang pag-isyu at pag-renew ng permits para sa mga online gambling establishments sa oras na maging ganap itong ordinansa, habang ang mga kasalukuyang operasyon ay bibigyan ng isang taon upang tuluyang ihinto ang kanilang negosyo.
Ayon sa City Council, layunin ng ordinansa na mapigilan ang lumalawak na epekto ng online gambling, lalo na sa kabataan at mga pamilyang madaling maapektuhan ng adiksyon sa sugal. Pinalakas pa ito ng panawagan ng Baguio Character Council, na naninindigang mas mahalagang pairalin ang “prevention rather than cure” sa usapin ng gambling exposure. Sa committee meeting noong March 11, 2026, iginiit ni Rev. Rodolfo De Guia na bilang isang Character City, dapat manaig sa Baguio ang mga pagpapahalaga sa edukasyon, pananampalataya, at moral na paghubog ng komunidad. Binigyang-diin din niya na ang patuloy na paglitaw ng gambling promotions sa mga pampublikong lugar at events ay maaaring mag-normalize ng sugal sa pang-araw-araw na buhay.
Kasama rin sa ordinansa ang pagbabawal sa mga patalastas ng sugal at sponsorship ng gambling firms sa iba’t ibang pampublikong aktibidad, kabilang ang educational, sports, cultural, religious, tourism events, at maging ang Panagbenga Festival. Naging sentro rin ng diskusyon ang paglahok ng e-bingo at Bingo Plus sa mga city events, kabilang ang distribusyon ng promotional materials sa Session Road at Panagbenga Parade.
Samantala, nilinaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation na may umiiral nang safeguards tulad ng income declarations at electronic monitoring systems para sa responsible gaming. Gayunman, naniniwala ang mga opisyal na kinakailangan pa rin ang mas mahigpit na local regulation upang mapanatili ang integridad ng komunidad at maprotektahan ang Baguio laban sa mga negatibong epekto ng online gambling. Sa oras na maaprubahan sa ikatlo at pinal na pagbasa, inaasahang magiging isa ang Baguio sa mga lungsod na may pinakamahigpit na polisiya laban sa online gambling sa bansa. Via Edsel Munda; TAU - DevCom Intern
No Comments Yet...